Likas yaman: Mamamayan ang dapat makinabang
Pananaw ni Dodie C. Banzuela (San Pablo City, November 15, 2005) – Sino nga ba ang dapat makinabang sa likas yaman ng isang bayan o bansa? Ang mismong mga mamamayan doon o ang mga kapitalistang dayuhan?
MAKARAAN ANG SIYAM NA TAON: Ang Mogpog River na hanggang ngayo’y kontaminado ng mga nakakalasong basura na itinapon ng Marcopper Mining. Larawan ni Aubrey SC Makilan ng Bulatlat.com
PAMANA NG MARCOPPER: Bukol-bukol sa magkabilang kamay at paa nina Wilson Manuba at ng kanyang ama (dulong kaliwa) na ipinamana sa kanila ng Marcopper sanhi ng heavy metal poisoning na nagresulta pa sa pagkaputol ng kanang binti ni Wilson. Larawan ni Aubrey SC Makilan ng Bulatlat.com
Salamat sa pagbubulgar ng media, nakita hindi lamang sa buong bansa, ngunit sa buong mundo din ang kalunoslunos na dinanas ng mga taga-Marinduque sa epekto ng Marcopper, hindi lamang sa kalikasan, mandi’y pati na rin sa ilang mga mamamayan ng nasabing bayan. Mula 1975 hanggang 1991 ay nagtapon ng mga nakakalasong basura ang Marcopper Mining Corporation-Placer Dome Inc. sa Calancan Bay ng Marinduque ayon na rin sa ulat ng Bulatlat.com.
Yakapin natin ang Lawa
Sa lunsod ng San Pablo, matapos na magkamatay na ang mga isdang tilapia sa Sampalok Lake at ganap na ngang masalaula ito dahilan na rin sa pagkalason ng lawa’y iniwan na ito ng malalaking kapitalista mula sa mga lalawigan ng Batangas, Quezon at iba pang lugar maraming taon na ang nakakaraan.
SAMPALOK LAKE: Pinakamaganda at pinakamalaki sa pitong lawa ng Lungsod ng San Pablo.
DERETSO PHOTO FILE
Ayon sa ilang scientist mula sa University of the Philippines – Los Baños, Laguna (UPLB) na nagsagawa ng pag-aaral hinggil sa kalagayan ng Sampalok Lake may sampung taon na rin ang nakaraan ay “kakailanganin munang mamahinga ang lawa sa mga susunod na 20-taon kung nais nating maibalik ang dating ganda ng tubig nito.” Sinangayunan iyon ng technical men ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Kontra naman ang mga naiwang “mangingisda” na nakatira sa gilid mismo ng Sampalok lake, “puwede pa rin kung kakaunti na ang maglalagay ng mga fish cages.”
Ang “hatol” ng mga eksperto mula sa UPLB na sinasangayunan ng mga taga-LLDA: “ganap na pahinga.” Ang ganting tugon naman ng mga “maliliit” daw na mangingisda: “Pwede basta kakaunti at limitado.”
Gaano karami ang kakaunti? Gaano kalaki ang limitado?
Hanggang ngayon hindi pa rin iyon matukoy sapagkat patuloy pa ring “pinahihirapan” ang lawa.
Sampalok Lake pa lamang ang ating tinutukoy, may anim pang lawa ang San Pablo kaya nga’t isa sa katawagan ng lugar ay Lungsod ng Pitong Lawa o City of Seven Lakes.
Sa pamamagitan ng isang proyekto na inilunsad (maraming taon na rin ang nakaraan) ng ilang mga nagmamahal sa lawa’y sinubukang ibalik ang ganda nito sa pamamagitan ng Yakap sa Lawa. Halos lahat ng sektor ay nakibahagi sa proyektong iyon, mula sa mga mag-aaral ng lungsod hanggang sa mga politiko mula sa lalawigan ng Laguna.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring sinusubukang yakapin ang lawa sa pamamagitan naman ng pagpapaganda ng paligid nito na sinimulan sa panahon ni dating mayor Florante “Boy” Aquino noong mga huling buwan ng 1991. Mga taga-socio-civic clubs at ilang mapagkawanggawang tagalunsod ang patuloy na nangunguna sa proyektong ito.
Subalit hanggang ngayo’y hindi pa rin ganap na mayakap ng mga taga-San Pablo ang lawa ng Sampalok sapagkat hanggang ngayo’y bingi, bulag, pipi, at inutil pa rin ang lokal na pamahalaan na makibahagi sa panandaling “pagpapahinga” muna ng lawa.
Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y marami pa ring botante na nakatira mismo sa gilid ng lawa ang umaangkin sa bagay na hindi naman talaga sa kanila.
Nakakasira sa kalikasan ang industriya ng pangingisda kung hindi ganap na susundin ang umiiral na batas hinggil dito, commercial o municipal fishing man ito, dahilan na rin sa ikinakalat na lason at pamamaraan ng mismong nakalubog sa industriyang ito.
Sa Sampalok Lake, malinaw na nalason na nga ito mula naman sa mga artificial feeding na ibinuhos ng mga “mangingisda” sa utos na rin ng mga lokal at taga ibang lugar na kapitalista at ilang mga dambuhalang kompanyang gumagawa ng artipisyal na pakain o patuka sa isda. Dagdag pa rito’y ang patuloy na paninirahan nga ng ilang mga “mangingisda” daw sa mismong gilid ng lawa.
Hindi inalinta ng mga tagalunsod ang paulit-ulit na “pag-aray” ng kalikasan, maraming taon na rin ang nakaraan sa pagkamatay naman ng mga isda doon. Pahayag ng mga “marurunong” na mangingisda, sa utos na rin ng mga kapitalista’t dambuhalang tagagawa ng patuka ng isda’y, “tag-duong ‘lang yan” at “bumabaliktad lamang ang klima ng tubig sa ilalim ng dagat.” Mga pahayag na pilit na isinaksak sa kaisipan ng kalakhang mga tagalunsod na “bahagi lamang ng kalikasan” ang nangyayaring “tag-duong” at walang kinalalaman ang kanilang bulok na sistema sa pangangalaga ng lawa.
Mga pahayag na tila nga ba naging bahagi na ng kultura ng Lungsod ng San Pablo: kultura ng kasakiman sa pagnenegosyo at pamumulitika.
Harinawa’y ganap na ngang mapabalik ang mainit na pagyakap ng mga taga-San Pablo kahit man lamang sa Sampalok Lake upang masarap bigkasin na tayo nga’y naninirahan sa Lungsod ng Pitong Lawa upang baka nga sakali’y “mapagbukalan” ito ng ganansyang magmumula naman sa industriya ng turismo.
Masarap ang tubig inumin sa San Pablo
Ipinagmamalaki pa rin ng mga taga-San Pablo na masarap ang tubig inumin dito. Bakit nga hindi’y kabi-kabila ang bukal sa lungsod.
Natisod ng DERETSO sa internet ang isang artikulong sinulat ni Jerry Harkavy, Associated Press Writer na nai-post noong November 14, 2005 sa ABC NEWS online.
Ang titulo ng balita ay: Bottled Water Giant Becomes Target, na may sub-title na: Bottled Water Giant Poland Spring Becomes a Taxation Target in Maine.
Ayon sa lead ng nasabing balita: “FRYEBURG, Maine Nov 12, 2005 — In an environmentally conscious state with a lackluster economy, Poland Spring has been a decades-long delight: a nonpolluting industry that relies on a renewable resource to provide hundreds of good-paying jobs in small towns where they are often hard to come by.”
Iniisip ngayon ng pamahalaan ng Poland na patawan ng “20-cent-per-gallon tax” ang Poland Spring. Bunsod naman ito sa kampanya ng mga mamamayan doon sa anila’y “first-in-the-nation tax on the water it draws from Maine's underground aquifers.” Kasabay nito, tinututulan din ng mga lokal na residente ang binabalak na “expansion” ng kompanya dahilan naman sa pagkairita ng mga naninirahan doon sa pagbubuhol ng trapiko sanhi ng malalaking tanker na humahakot ng Poland Spring kahit na nga ang slogang taglay nito’y: “Poland Spring. What it means to be from Maine.”
Mahigpit naman itong tinututulan ng bottler ng Poland Spring:
“Its parent company has even warned that approval of the 20-cent-per-gallon tax could force Poland Spring to abandon the state.
"If this tax ever were to be approved, we would have to seriously re-evaluate our ability to continue to do business in Maine,” pahayag ni Kim Jeffery, president of Nestle Waters North America, a unit of Swiss giant Nestle SA, the world's biggest food and beverage company. Ito rin ang kompanyang nagsasabotelya ng “mineral water” na nakatayo ngayon sa Brgy. San Jose, San Pablo City.
May 25 taon ng nakatayo sa Maine ang Poland Spring na pag-aari nga ng Nestle SA- Perrier at malaki na rin ang naiambag nito sa ekonomiya ng bansang Poland.
Ayon pa sa ulat, sa nakalipas na limang taon ay umani ito ng annual sales na mula $406 million hanggang $624 million. Mayroon din itong 550 na mga empleyado na sumusuweldo ng mula $14 hanggang $25 bawat oras, ayon sa pahayag ni Tom Brennan, ang natural resource manager ng kompanya.
Ayon pa kay Brennan, “The manufacturing sector in Maine is disappearing. This is a clean industry, based on a renewable natural resource. It provides good jobs with good pay and good benefits. I don't know why people would take issue with it."
Mahigit na sa 50,000 Mainers ang pumirma sa isang petisyon na umaasang maisasama iyon sa isang “referendum on the proposed extraction fee on water that businesses draw from the state's aquifers for resale in containers.”
Tinagurian ang kampanyang ito na “H2O for ME” at “brainchild” ito ni Jim Wilfong, dating mambabatas na nagsilbi sa Small Business Administration sa panahon ni US President Bill Clinton, “specializing in international trade.”
Sa pananaw kasi ni Wilfong, ang “access to clean & fresh water” ay siyang magiging pangunahing usapin sa 21st century.
“I foresees the day in which it becomes a life-giving commodity that's delivered by supertankers and railroad cars to water-starved areas.
"Who's going to own it, who's going to control it, is it going to be sustainable? Those are the real issues,” mariing pahayag pa ni Wilfong.
Sa kabuuang ulat, maaari ninyong i-link dito.
Taun-taon na lamang ay naririnig natin ang mga pinagtahitahing paliwanag ng mga taga-San Pablo City Water District (SPCWD) kung bakit patuloy tayong dumaranas sa kakapusan ng tubig-inumin at kung bakit nga hindi na dalisay ang lasa nito. Tanging solusyon ng mga taga-SPCWD sa problema’y pagtataas ng taripa na babalikatin ng mga tagalunsod.
Huwag na sanang muling maulit ang madilim na kasaysayan ng Sampalok Lake na matapos ngang mapakinabangan ng ilang dayuhang lokal na kapitalista’y iniwan na lamang iyong warat-warat.
At huwag rin sanang matulad ang problema natin sa tubig-inumin na nangyari sa Sampalok Lake.
Ipinakikita na ngayon ng mga taga-Maine, Poland ang kanilang paninindigan hinggil sa kanilang likas yaman na hinuhuthot ng dambuhalang kompamyang Nestle SA- Perrier, magtatangatangahan pa ba ang mga taga-San Pablo?
Ano nga ba ang punto natin?
Panahon na upang ang Likas Yaman natin ay tayo mismo ang makinabang. Kung papaano ito gagawin ay dapat na ngang simulan ang malaking debate patungkol dito.
Tanong nga ni Korina Sanchez sa kanyang linggu-linggong programa’y, “Handa na ba kayo?” At susundutin pa ni Kris Aquino ng, “Pilipinas, game ka na ba?”
Kaya naman panawagan ng DERETSO’y, “Pablo’y ‘wag ka ng matakot! Makialam sa pamamahala ng Likas Yaman ng Lungsod ng Pitong Lawa”
On the Net: Poland Spring: http://polandspring.com
H20 for ME: http://waterdividendtrust.com
1 Comments:
Mga pards sa Deretso, puwede bang maglathala pa kayo ng tungkol sa Nestle sa Malamig, yun bang, kailan naitayo, sinu-sino ang kapitalista doon (balita kasi namin kasosyo daw si biteng amante), at iba pang nakakaintrigang impormasyon. Pls lang po. Salamat in advance.
Siyanga pala, nawiwili na akong laging magpunta dito. Pinagkalat ko na to sa mga frends & relatives ko sa abroad na bumisita din dito sa site nyo.
Post a Comment
<< Home