Ganito napasulat sa February 26 – March 4 edition ang balitang ito: “Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito’y mga abusado, barumbado, walang modo at walang kapuwa tao pa rin ang kalakhang mga magta-tricycle sa lunsod na ito. Ito ang nagkakaisang pananaw ng riding public sa industriya ng tatlong gulong.
“Pagtangging isakay ang pasahero kapag nag-iisa. Hindi pagbibigay ng kaukulang 20% discount sa mga mag-aaral at senior citizen. Labis na singil ng pasahe sa itinakdang taripa kapag nag-iisa ang pasahero. Ilan lamang ito sa tila nga nagiging pangkaraniwan ng tunggalian sa pagitan ng riding public at magta-tricycle. Idagdag pa rito ang tila paghahariharian sa kanilang self-proclaimed terminal sa lahat ng panig ng kalunsuran: pati bangketa’y ginagawang paradahan; pagsusugal ng mga tricycle driver habang naghihintay ng pasahero; sigawang pagkukuwentuhan na akala mo’y nasa sabungan at ang pagalit pang pagsasabing ‘Kulang ang bayad mo!’
“13-taon ng direktang pinamamahalaan ng lokal na pamahalaan ang pagpapatakbo ng industriya ng tatlong gulong sa buong bansa matapos namang ilipat iyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong 1992.
“Kultura ang isang mahalagang salalayan ng mga taga-Department of Transportation and Communication (DOTC) nang payagan nila ang LTFRB na ibigay nga ang pamamahala ng tricycle sa mga taga-lokal na pamahalaan bilang bahagi ng pagsasabuhay naman ng local autonomy code ng bansa.
“Dahilan na rin doon, kasamang napabigay ang direktang paghawak sa pondong kinikita ngayon ng mga lokal na pamahalaan sa industriyang ito sa pamamagitan naman ng ‘pagbebenta’ ng prangkisa, ‘pagbebenta’ ng plaka ng tricycle, at kung anu-ano pang posibleng pagkakakitaan ng lokal na pamahalaan sa industriyang ito.
“Sa 13-taong nakalipas ay tila nga mas tumibay pa sa lunsod ng San Pablo ang kultura ng pang-aabuso sa serbisyo ng industriya ng tatlong gulong. Halos bente kuwatro oras na laging anduroon ang problema sa pagitan ng mga tricycle driver at riding public.
“Hindi iilang ulit na natampok sa pahina ng DERETSO ang hinggil sa mga daing ng pasahero, maraming taon na rin ang nakaraan, upang kahit papaano’y makatulong sa paggising sa mga balsibeng tricycle driver. Subalit hanggang ngayon nga’y lalo pang lumalala ang problema. Kaya’t muli’y minarapat ng DERETSO na muling pasadahan sa pahina ng DERETSO ang patuloy na suliraning kinakaharap ng riding public sa industriyang ito.
“It takes two to tango, ika nga. Minsan na ring nasulat sa pahina ng DERETSO ang ganitong obserbasyon: Pampasaherong jeepney at tricycle ang salamin ng isang bayan o lunsod sa klase ng pamumuno ng mga nasa lokal na pamahalaan. Kung abusado’t walang modo ang mga ito, hindi nalalayong ganoon din ang mga nasa lokal na pamahalaan.
“Mantakin ninyong sabihin ng isang fixcalizer sa konseho na tingnan daw ng mamamayan ang klase ng pamilyang aming pinangalingan? Pera-pera ‘lang ‘yan pagbabando pa ng nagbalik na Lawin hinggil sa usaping aming isinampa sa Tanggapan ng Ombudsman. Kung walang modo’t pang-aabuso sa tangang sandaling kapangyarihang ipinahiram lamang sa kanila ng mamamayan, napasok na nga ng demonyo ang kalakhang tanggapan ng lokal na pamahalaan. Kaya naman, asahang mismong ang nasa unang line of defense, ika nga, ng lunsod ay ganoon rin ang ugali. Talamak na pamumulitika sa industriya ng tatlong gulong.
“Nakasaad sa umiiral na Ordinansa No. 99-1, as amended, ng Lunsod ng San Pablo na ‘mobile’ ang tricycle. Ibig sabihin, ikot ng ikot sa buong San Pablo dahil, ‘in lieu of taxi’ ay tricycle ang gumaganap noon. ‘Personalize’ ang serbisyo sapagkat kalimitan ay hanggang sa mismong pintuan ng destinasyon ng pasahero ang paghahatid. Ang minimum fare sa tricycle sa ngayon ay anim na piso sa unang kilometro at singkuwenta sentimos na dagdag sa bawat susunod na kilometro. Walang nakatakdang anumang terminal sa tricycle.
“Subalit dahilan na rin sa pamumulitika ng naghahari ngayon sa kapitolyo, naging mapagbigay sa industriya. Nagkaroon ng konsiderasyon at mga pribilehiyo.
“Nagkaroon ng terminal sa lahat ng panig ng kalunsuran — bawat kantuhan, harapan ng mga paaralan, tagiliran ng palengke, harapan ng simbahan at samabahan, pampublikong pagamutan, at kung saan-saan pa. Tinawag na ‘legal’ ang operasyon ng mga tricycle na tumatangkilik sa terminal. Tinawag namang “iskirol” ang patuloy na umiikot sa kabayanan at iba pang panig ng kalunsuran.
“Ang tama na nakasaad sa ordinansa ay naging mali. Ang wala naman sa ordinansa ay naging tama.
“Sa insurance, tatlo lamang ang sasagutan ng insurance company kapag nagkaroon ng aksidente, na kalimitan ay driver, nasaktan, at isang pasahero.
“Subalit sa reyalidad, dahilan na rin sa pag-usbong ng mga terminal ng tricycle, apat hanggang limang pasahero ang siksikang sakay ng tricycle. Tila hindi ganap na napag-aralan ng mga umukit ng ordinansa ang hinggil nga sa insurance, sapagkat nakasaad sa ordinansa na hanggang apat nga ang maaaring ikargang pasahero—tatlo sa loob at isang backride. Tila hindi rin ganap na sinuri muna ng mga umukit ng lokal na batas na ito kung ang pag-backride ba ng isang pasahero’y makakabuti sa kanyang kalusugan o magiging dahilan iyon sa pagkakasakit sa baga dahilan na rin sa nakalalasong usok na ibinubuga ng tambutso ng tricycle na madaling nalalanghap ng naka-backride.
“Hindi nga nakasaad sa ordinansa na pinapayagan ang terminal ng mga tricycle, subalit talamak na nga ito sa kalunsuran. At doon na nga umuusbong ang pang-aabuso ng mga magta-tricycle — terminal.
“Dahilan nga sa naka-terminal, hindi magsasakay kapag nag-iisa ang pasahero. Sa kaunting pagtigil ng tricycle, dahilan nga sa naghihintay ng pasahero’y, kapag may sumakay na nag-iisa’y hindi kaagad aalis at sasabihing naka-terminal ang nasabing tricycle, kahit na nga ito’y sa harapan ng simbahan, sa may kapitolyo, sa bawat kanto, at kung saan-saan pa.
“Kung wala naman sa terminal, kalimitang dahilan ng pagtanggi ng mga tricycle driver na magsakay ay ‘hindi doon ang rota’, ‘sa palengke lamang ang rota ko,’ at kung anu-ano pang dahilan. Isasakay lamang ang pasahero kapag magbabayad ng doble o triple sa itinakdang taripa.
“Hindi na rin bago ang linyang ito na nalathala na rin sa DERETSO: Usaping kaldero ang malimit na dahilan kung bakit tila nga ba ‘nangho-hold up’ na sa pasahero ang mga magta-tricycle sa paniningil nila ng sobra sa itinakdang taripa. Katwiran ng mga magta-tricycle: ‘mahal ang gasoline,’ ‘malaki ang gastos sa maintenance,’ ‘malaki ang ibinabayad sa prangkisa at iba pang lokal na buwis,’ ‘mataas ang boundary,’ at kung anu-ano pang katwirang lahat ay ibinubunton sa riding public.
“Bakit nga ba hindi nila gagawin iyon, ‘eh follow the leader. Kung ano ang ginagawang pagmamalabis sa tungkulin ng mga public servant, kalimita’y iyon ang tinutularan ng mga nasa hanay din ng pagbibigay serbisyo publiko. Mga katwirang ‘alang pambayad sa apartment,’ ‘alang pambili ng panty sa hinuhuthutang kumare,’ ‘kulang ang pambigay sa ibinabahay,’ ‘alang pangmotel,’ at kung anu-ano pang katwirang itinatambak sa mamamayan.
“Hindi iilang seminar na ang dinaluhan ng mga magta-tricycle upang maipaunawa sa kanila ang hinggil sa lokal na operasyon ng tricycle. Subalit tila nga yata sa bawat pagtatapos ng seminar na iyon ay lalo lamang nagmumukhang demonyo ang mga magta-tricycle. Ayaw isipin ng DERETSO na dangan kasi’y baka nga mga demonyo na rin ang nagbibigay ng seminar.
“Tricycle Franchising and Regulatory Board (TFRB) ang siyang direktang namamahala sa industriyang ito. Dalawa ang co-chairman: vice mayor at chairman ng committee on transportation, public safety & order ng Sanggunian. Miyembro naman ang city accountant, city treasurer, San Pablo City PNP chief, isang NGO representative at pangulo ng pederasyon ng TODA (Tricycle Operators & Drivers Association).
“Tila hindi rin ganap na pinag-aralan ang komposisyon ng board sapagkat hindi malawak ang hagip na sector ng mga miyembro nito. Hindi kayang sakupin ng isang NGO representative lamang ang hinaing ng mga mag-aaral, senior citizen, mga guro, kawani ng pamahalaan at pribado, manggagawa, maralitang tagalunsod, taga-kanayunan, at pangkaraniwang negosyante.
“Sa kasalukuyang komposisyon ng Board, tila pagkakaperahan lamang ang siyang napagtuunan ng pansin. Dalawa kaagad ang nasa lokal na sangay ng pananalapi — city accountant at city treasurer. Dalawang politiko na nakakasiguradong pagkakaperahan din ang laging nasa isip – vice mayor at konsehal. Isang pulis, na tuwang tuwang manghuli ng mali kasi nga may pagkakaperahan din doon. At possible pa ring pagkakaperahan ang nasa isip ng kinatawan ng TODA. Mantakin ninyong sa halagang 200 piso na pinaghirapang bunuin ng mga tricycle driver ay halos magsikip sa tatlong pirma ang inilabas na bagong plaka ngayon ng tricycle? Na kung hindi ba naman sa pagsisipsep, ay tinuldukan pa ng litrato ng mayor? May buti bang idinudulot ang litratong iyon sa industriya at riding public?
“Oo nga’t may pena sa mga maling asal ng mga tricycle driver, subalit walang klaro kung papaano ang mekanismo ng pagrereklamo ng riding public at kung hanggang saan makakarating ang reklamong iyon. Kalimitan, napi-fix ang reklamo ng mga pulitiko’t pulis na sanay mag-fix ng anumang problema — iyon ma’y pambayad ng apartment o pambile ng kahit isang panty sa hinuhuthutang kumare.
“Ano nga ba ang bottomline? Mahalagang banggitin na si Amante ang mayor noong unang ibigay na nga ng mga taga-LTFRB ang pamamahala ng tricycle, may 13-taon na ang nakakaraan. Noon pa man ay isinalamin na ng DERETSO kay Amante kung ano nga ba ang industriyang ito. Sa loob ng unang siyam na taon niyang direktang pamamahala sa industriyang ito, naayos ba ang pamamahala sa tatlong gulong maliban sa naging dagdag na source of income ito ng city government? Napangalagaan ba ang interes ng riding public? Naipatupad ba at natupad ba naman ang payak na isinasaad ng kahit na nga lokal na batas sa bahagi ng industriyang ito... o bukod nga sa usaping source of income ng gobyerno’y naging bukalan din ng boto tuwing eleksyon?
“Minsan na ring natampok sa pahina ng DERETSO, at unang natampok sa pahina naman ng Newsworld: Sa Naga City, maayos ang pagpapatakbo sa industriya ng tatlong gulong. Walang reklamo ang riding public dahil naipatupad ni Mayor Jesse Robredo ang tunay na diwa ng political will.
“Marapat na muling rebisahin ang umiiral na ordinansa sa lunsod na ito upang maresolba ang lumalalang suliranin sa pagitan ng riding public at mga nakapaloob sa industriyang ito. At ang unang hakbang ay magkaroon ng tunay at matiyagang public consultation upang makuha ang tunay na damdamin ng magkabilang panig. At ang pangalawa’y kapag naisabatas na ang napagkasunduan ng magkabilang panig ay tuwirang ipatupad ito ng walang kinikilingang boto.
“Isa man o isandaan ang nakapaloob sa binuong board, kung demonyo naman, asahang sa pagka-impiyerno ang kasasadlakan ng isang bayan o lunsod.
“Nagawang maging tila ‘langit’ ang serbisyo ng tatlong gulong sa Naga City dahilan lamang sa pagkakaroon nila noon ng isang 29-taong gulang na mayor. Kailangan nga bang maging nasa liyebo bente ang edad ng magiging mayor sa San Pablo pagsapit ng 2007 upang kahit ulap ay maabot iyon ng lunsod na ito?
“Sampolan nga natin ang problemang ito, mga magagaling na taga-TFRB:
“Isang demonyong magta-tricycle, na may bagong plate number na tinuldukan nga ng litrato ni mayor Amante —- 3192, ang pilit na naniningil ng sampung piso sa DERETSO dahil iyon daw ang kalakaran kapag nag-iisa ang pasahero. Ang destinasyon: Mula sa may kantuhan ng P. Zamora at Regidor St. hanggang sa may Mormons sa Mabini Extension. February 23, 2005, humigit kumulang 10:30 ng umaga nang mangyari ang pagtatalo sa pagitan nga ng DERETSO at ng demonyong magta-tricycle. Pilit na itinanong ng DERETSO sa demonyong magta-tricycle kung anong probisyon sa lokal na batas ang sinasabi niyang (demonyong magta-tricycle) ‘kalakarang sampung piso ang taripa kapag nag-iisa.’ Wala siyang mabanggit, maliban sa paulit-ulit na iyon daw ang kalakaran. Sabi pa ng walang modo’t demonyong magta-tricycle: ‘Kaya pala naman hindi ka isakay ng tricycle ‘eh ayaw mong magbayad ng tama!’ Talaga nga palang dito sa San Pablo’y ang tama ay iyong wala sa batas. Kasalukuyan noong may ginaganap na seminar-workshop ang mga mag-aaral ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) at kumober doon ang DERETSO. Pati mga mag-aaral ng DLSP ay idinaing din ang kanilang naranasan noong araw na iyon. Siningil din sila ng lowest ten pesos sa pagtungo sa seminar venue, mula lamang sa may La Suerte o kaya nama’y sa may palengke. Hindi na nga lamang nila nakuha ang mga numero ng plaka ng mga demonyong magta-tricycle. Ganoon din, pati mga mag-aaral sa San Pablo Colleges ay marami ding daing: Sinisingilan sila ng doble (dose pesos) bawat isa. Hindi na nga nagbibigay ng 20% discount, maniningil pa ng sobra sa mga mag-aaral. Saan na nga ba patungo ang industriya ng tatlong gulong sa lunsod na ito? Again, nakatulong nga ba ang kulay penk na litrato ni mayor Amante upang maging masinop ang pagganap sa tungkulin ng mga magta-tricycle?
“Commercial: Noong panahon ni dating Mayor Boy Aquino, hindi iilang ulit napasadahan sa pahina ng DERETSO sina kaibigang Sgt. Ruel Tasico. Si Tasico kasi noon ang hepe ng Public Safety Assistance Force (PSAF). Dahil professional si Tasico sa pagganap ng kanyang tungkulin, sa minsang pagrereklamo dito sa isang demonyong magta-tricycle ‘eh ala pang isang oras ay nahuli na ang demonyong magta-tricycle. Hindi ibinigay ni Tasico ang lisensiya ng tricycle driver hangga’t hindi nakipagliwanagan sa DERETSO. Hindi umubos ng isang oras na seminar o bayad na singkuwenta pesos sa seminar ang tricycle driver na iyon upang direktang maiparating sa kanya ang reklamo ng riding public. Sa DERETSO lamang ay nalaman na niya ang dapat na maging asal ng isang public servant.”
Pinatotohanan ang nabanggit na balita ng mismong mga mag-aaral na napalathala sa March 5 – 11 edition…