| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Friday, January 06, 2006

Paalam po, Sir Becina

Dighay ni Dodie C. Banzuela – Iniwan na tayo ni Mr. Guillermo Becina noong December 25, 2005 at ngayo’y maluwalhating nasa Kaluwalhatian na siya ng Panginoong Diyos.

79 years old siya ng pumanaw at sa Abril 2006 sana’y sasapitin na niya ang kanyang ika-80 taong gulang.

Paalam po Sir Becina.

Salamat Sir sa maraming oras na inubos natin sa personal na pagkukuwentuhan at maging sa telepono hinggil sa mga usaping pangbayan, lalo na sa usapin ng mga kaanuhan ng ilang mga opisyales sa San Pablo City Water District (SPCWD).

Marami kang iniwang alaala sa akin. Itinangi na kitang isang big brother. Ayokong sabihing ama kasi hindi ko po naman naranasang magkaroon ng ama. Maliliit pa kaming magkakapatid nang iwan ng aming ama kaya nga’t hindi ko masasabi kung papaano ang relasyon ng isang ama sa kanyang anak.

Sa ating maikling pagniniig ay nadama ko sa iyo ang pagiging isang tunay na kuya. Papaano ko ba naman maaalis sa aking tenga ang malambing mong pagsasabing, “Dodie, hindi ba ako nakakaabala? May mahalaga kasi akong sasabihin sa ‘yo.”

Maging ang aking bunsong limang taong gulang na si JM ay itinuring ka na rin niyang “personal” na kaibigan kapag siya ang nakakasagot sa mga tawag mo sa telepono. Sa tuwina’y sasabihin ni JM sa akin, “Daddy, telepono ‘yung aking kaibigang si Mr. Becina.”

Anyway, Sir, pambihira ka naman. Bakit hindi mo man lamang naulit sa akin na magsasampa ka pala ng kaso sa Ombudsman laban sa ilang sa paniniwala mo’y tiwaling opisyales ng San Pablo City Water District? Kailan mo ba ito naisampa?

Alam mo Sir, nalaman ko lamang ito sa isang Darna natin sa water district. Pati sila ay nagulat. Nalaman lamang nila ito nang may magtungo doong mga taga-Commission on Audit upang berepekahin ang ilan sa iyong mga reklamo hinggil sa walang pakundangang paglustay sa pondo ng ilang mga opisyales ng distrito.

Siguro kaya ‘di mo sinabi ‘yun sa akin ay ayaw mong mawala ang aking focus sa isinampa naming kaso sa Ombudsman din ni kasamang Iring Maranan laban kina Mayor Vicente Amante at 13 hudas pa ng lokal na pamahalaan, anu?

Sana nga, kahit physically ay wala ka na dito sa lupa’y patuloy mo kaming giyahan sa aming mga ginagawang krusada… after all, isa ka sa mga original member ng Krusadang Bayan laban sa katiwalian.

Nakadalo ako sa isinagawang necro ng mga dati mong kasamahan sa Department of Education at andon si Mr. Gamaro.

Magaganda ang kanilang alaala sa ‘yo. Music lover ka pala Sir. At ang tindi pala ng ‘yong paboritong kanta, Impossible Dream.

Para sa akin, hanggang kanta ‘lang ang ibig ipakahulugan ng Impossible Dream. Para sa akin, hindi naging imposibleng panaginip ‘lang sa ‘yo ang gumawa ng konkretong kilos laban kina nunung, rugir, tisi at iba pang ganid na opisyales ng water district… kasi nga, kahit hindi mo ipinagbanduhan sa media ay nasampahan mo sila ng kaso sa Ombudsman.

Alam mo Sir, sayang at hindi nasundan ng ilang pumalit sa ‘yong tungkulin noong superintendent ka pa sa division office ang iyong nagawa, lalo na sa pagtanggap ng mga bagong guro – you gave the position to deserving applicant thru your supervisors. Ito po ang nakinig ko sa necro.

Tama po ang mga dati ninyong nakasama sa DeEd nang sabihin nilang hindi kayo namulitika sa inyong posisyon. Mas isinalang-alang ninyo kung ano ang inyong alam at hindi ang siko o koneksyon. Naku, bihira na po ang ganyan.

Mami-miss ko po Sir Becina ‘yung pagsalampak natin sa labas ng pinto ng inyong bahay habang ibinibigay ninyo sa akin ang mga nakalap ninyong dokumento hinggil sa isang Belicita Ng, na nang aming imbestigahan ni kasamang Iring ay wala pala namang ganoong tao.

Well, gaya ng lagi ninyong closing sa tuwing magtatapos ang ating pulong sa personal man o sa telepono, “O sige ha, focus ka ‘lang sa ginagawa mo. Huwag kang matakot sa mga taong gumagawa ng masama, mas katakutan mo ang Diyos,” ‘eh eto po, po-focus na uli ako sa pagyabyab sa mga hudas na lingkod bayan… sige po, paalam na, Sir Becina.

Ayy siyanga po pala Sir Becina, baka may internet ‘dyan sa langit, don’t forget to regularly visit our website @ www.deretsobalita.cor.nr at welcome po kayo na mag-post ng inyong comment at article.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home