AYAW NAMIN!
Sa napipintong planong pagtataas ng taripa ng tubig ng mga taga-San Pablo City Water District
…At ganito namin isinigaw ang pagtutol na iyan na napalathala sa March 19 – 25 edition.
“Tutol ang kalakhang mamamayan sa lunsod na ito sa pinapla-nong muling pagtataas ng singil sa tubig ng mga taga-San Pablo City Water District (SPCWD).
“’Papayag lamang kaming magkaroon ng pagtataas kung magsisilayas muna ang kasalukuyang miyembro ng board of directors kasama na rin sina general manager Engr. Roger Borja at division manager Teresita Rivera!’ Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga tagalunsod na ito sa magkakahiwalay na panayam ng DERETSO kamakailan. Mahigpit ang kanilang kahilingan sa DERETSO na huwag ng banggitin pa ang kanilang mga pangalan sapagkat baka diumano ‘lalong mawalan ng tulo ang (kanilang) gripo.’
“Muling nabuksan ang ‘init ng pananaw’ ng mga tagalunsod na ito kaugnay sa San Pablo City Water District matapos namang may kumalat na text message hinggil dito.
“Ayon sa nasabing text message na ipinadala din sa DERETSO: ‘SPCWD UPDATE: TUTULAN NPIPINTONG PGTTAAS NG CNGIL S 2BIG! AYUSIN MUNA PMMLAKAD S DISTRITO! OUT MUNA LHAT BOARD PTI CNA RUGIR & TISI! Pls pas..’ Mula naman sa unregistered cellphone number 09108282355 ang nasabing mensahe na natanggap nga ng DERETSO noon namang March 16, 2005 13:16:34 ang oras.
“’Hinihinging pagtataas sa taripa ng tubig na minimum na P83.20, San Pablo City Water District: UMANI NG BATIKOS.” Ito ang naging headline ng DERETSO sa Pebrero 26-Marso 3, 2000 edition nang una ngang palutangin ng mga taga-distrito ang hinggil sa nasabing usapin.
“Hanggang ngayon, ganoon pa rin ang dahilan ng mga concessionaire kung bakit tutol sila sa anumang pagtataas ng taripa: Ayusin muna ang pamamalakad sa distrito.
“Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatapos ang hablahan sa pagitan ng ilang director na itinalaga ng appointing authority at ng mismong board. May nakabinbin pa ring kaso sa Sandiganbayan hinggil naman sa audit report ng Commission on Audit (COA).
“Matatandaan na sa edition ng DERETSO noong Hunyo 26-Hulyo 2, 1999, napa-headline ang ‘Resulta ng COA audit sa SPCWD para sa ’97-’98: P10.7M DAPAT IBALIK. Ginastos ng ilang matataas na pinuno ng San Pablo City Water District.’
“Sa nasabing audit report, pinasosooli ng COA sa ilang matataas na opisyales ng SPCWD ang hinggil sa diumano’y ‘labag sa batas na paggastos’. Ilan dito’y ang pagbili ng pang-ahit; pagbili ng mga regalo sa kasal; pagsingil ng sobra sa itinakdang per diem; pagbili ng Rolex watch at iba pang aplliances na ibinigay naman sa mga nagretirong director; pagbili ng tiket sa mga ballroom dancing; donasyon sa kapistahan ng lunsod na ito; pagbabayad sa driver’s license; atbp.
“Inutusan din ng COA si Borja na ibalik nito sa kaban ng distrito ang ibinayad na backwages kina Evelyn Eje at sa nagretirong si Raquel Tolentino. Matatandaan na iligal na tinanggal ni Borja sina Eje at Tolentino, batay na rin sa naging desisyon ng Mataas na Hukuman kaya’t marapat lamang na maibalik sila sa distrito at sa dating posisyon at sahod. Inutusan din ng Mataas na Hukuman na personal na bayaran ni Borja ang mga backwages ng dalawa. Hindi ito sinunod ni Borja, hanggang ngayon, sa kabila na naditine ito sa National Bureau of Investigation dahilan sa contempt.
“Hangga’t hindi nalilinaw ang mga nasabing usapin, asahang muli’t muli’y tututulan ng mga concessionaire ang anumang balak ng SPCWD sa pagtatas ng singil sa tubig.”
Sa kabila ng mariing pagtutol ng mga taga-San Pablo ay itinuloy pa rin ng water district ang pagtataas.
Kaya’t sa August 6 – 12 edition ay muling umani ng batikos sa pahina ng DERETSO ang San Pablo City Water District.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home