| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Tuesday, January 24, 2006

Mga estudyante nagsalita na: Mga magta-tricycle sa San Pablo Hindi ‘lang abusado’t barumbado HOLDAPER PA!

“Holdaper na rin sila!

“Ito ang buod ng liham na natanggap ng DERETSO hinggil sa usapin ng industriya ng tatlong gulong sa lunsod na ito na unang nalathala noong nakaraang linggo. Nagmula sa mga mag-aaral ng San Pablo Colleges ang nasabing liham na may petsang ika-3 ng Marso at handcarried na ipinadala sa tanggapan ng DERETSO.

“Ayon pa sa liham: ‘Huwag kang magbibigay ng buo sa mga lintek na magta-tricycle, ‘tyak ‘di ka na susuklian ng mga ‘yan. O kung suklian man, doble ang kukunin sa ‘yo. Kapag sinita mo, aangalan ka pa at pasigaw na sasabihing iyon ang kalakaran. At ang mas malimit na ginagawa pa nila ay aarangkada ng buong bilis na pag-alis at dededmahin na ‘lang ang ‘yung paninita. In short, HOLDAPER NA RIN SILA!’

“Ayaw ko na munang magkuwento, basahin na lamang ninyo ang kanilang sulat. Kung kulang, ‘eh ‘di dagdagan ninyo, at kung labis nama’y ipaalam ninyo sa amin at ng makahingi ng pasensiya sa mga demonyong magta-tricycle.

“3 Marso 2005

“Sa Editorial Staff ng DERETSO,

“Tuwang-tuwa kaming mga mag-aaral ng San Pablo Colleges sa inyong artikulo hinggil sa abusado at barumbadong mga tricycle driver ng San Pablo. Lahat ng mga sinulat ninyo ay tama! Sampung bagsak sa artikulo ninyo!!!

“Gusto po lamang naming idagdag: mga HOLDAPER NA RIN SILA!!! Bakit namin nasabi ‘yon?

“1. Huwag kang magbibigay ng buo sa mga lintek na magta-tricycle, ‘tyak ‘di ka na susuklian ng mga ‘yan. O kung suklian man, doble ang kukunin sa ‘yo. Kapag sinita mo, aangalan ka pa at pasigaw na sasabihing iyon ang kalakaran. At ang mas malimit na ginagawa pa nila ay dededmahin na ‘lang ang ‘yung paninita at aarangkada ng buong bilis na pag-alis. In short, talagang HOLDAPER NA RIN SILA!!!

“2. Dahil six pesos na ngayon ang minimum, dose pesos na rin ang sinisingil nila sa nag-iisang pasahero, kahit na ito’y estudyante. ‘Di na nga ibinigay ang mandato sa batas na 20% discount, hoholdapin pa ang pobreng mag-aaral.

“3. May pagkakataon din po na nase-sexual harassment ng mga magta-tricycle ang pasaherong babae. Napapansin namin ang istilo ng paglalagay ng kanilang mga salamin—nakatama sa may upuan kaya’t libang na libang sa pangboboso ang mga gagong tricycle driver. Siningilan na ng mahal, binosohan pa! Tama nga kayo sa pagtawag sa kanila na demonyo!

“4. Ilan pa po sa ibinubunton na mga problema sa ating mga pasahero kung bakit naniningil sila ng malaki (o talaga lamang dahilan na rin nila para makapangulimbat sa atin) ay ang trapik. Ma-trapik daw sa lugar na pupuntahan natin kaya’t isang biyahe na ang dapat nating ibayad sa kanila. Pati po masamang kalsada. Dahil daw po lubak-lubak ang kalsada ng pupuntahang lugar natin kaya dapat triple ang babayaran. Ultimong parada ng patay ay isisisi sa ating mga pasahero. Dahil daw napasunod siya sa patay kaya’t natrapik, ‘eh kailangang dagdagan ang bayad. Pati kakulangan ng pasahero ay ibinubunton din nila sa atin. Dahil daw po wala naman siyang magiging pasahero pagbalik niya ay kailangang dobleng isang biyahe ang ibabayad. Pati daw po ‘katangahan’ ng mga PSAF ay sa atin ibinubunton. Dahil daw po tanga ang mga naka-assign na PSAF sa ating daraanan kaya nabinbin sa trapik ay kailangang doblehin ang bayad. Kapag umangal naman po kami, ‘eh tatarakan ka ng mata at halos saksakin na kami sa pagsasabing, ‘Kung ayaw mong magdagdag, bumababa ka ng put…ina mo!’

“5. Super grabe din po ang problema sa gabi. Mantakin po ninyong kailangang magbayad kami ng mula trenta hanggang singkuwenta pesos pagsapit ng gabi mula sa aming paaralan hanggang sa Medical Center. Nursing student daw naman po kami at tiyak pagkatapos ng aming pag-aaral ay mag-aabroad kami kaya malaki ang aming kikitain kaya’t ngayon pa’y bumabalato na sila sa aming malaking kikitain sa abroad. Bakit ayaw nilang diretsahin na ngayon pa’y hiniholdap na nga nila kaming mga mag-aaral? May probisyon nga ba sa ordinansa ng tricycle na iba ang halaga ng pamasahe sa gabi at araw? Tama nga po kayo, gusto na rin nilang higitan pa si Lucifer sa kasamaan!

“6. Eto pa po. Kapag pumayag ang nag-iisang pasahero na magbayad na ng isang biyahe, ‘eh pag nakakita pa rin ng pasahero ay isasakay niya. Kapag umangal kami, tatarakan na naman kami ng mata at sasabihing, ‘Eh dun din naman ang punta, ah?!’ Ok, dahil siya naman ang unang bumali sa usapan, kapag binayaran na namin siya ng regular na pasahe ay panibagong pananarak na naman ng mata na halos kainin na kami ng buhay sa pagbulyaw ng, ‘Bakit kulang!!?? Isang biyahe ang usapan natin ah?’

“7. Pahirit pa po. Oo nga’t regular na dalawahan ang puwedeng isakay sa loob, pero kasalanan po ba ng isang matabang pasahero kung katawan lamang niya ang maaaring magkasya sa pandalawahan? Bakit sisingilan ang matabang pasahero ng doble o tripleng pasahe dahilan lamang sa kanyang katawan?

Sa kabuuan po, ‘eh kaisa ninyo kami sa isang pananaw na: Talagang nasasalamin sa mga tricycle driver, at maging sa mga pampasaherong jeepney, ang klase ng namumuno sa isang lugar. Kung holdaper ang mga magta-tricycle at jeepney driver, malaki ang posibilidad na mga holdaper at kidnaper din ang namumuno sa isang bayan.

Sumasangayon din po kami na talagang terminal ang ugat ng kasamaan ng mga magta-tricycle. Dahilan sa terminal, nadodoble, natitriple at pasaheng pa-Maynila ang nagiging halaga ng taripa dito sa San Pablo.

“Ayaw na po naming manawagan sa nakapuwesto ngayon sa ating lokal na pamahalaan sapagkat kung talagang hindi po nila gagawan ng solusyon ang 13-taong karaingan nating mga mananakay, ‘eh panawagan naming mga kabataan sa mga taga-San Pablo na paghandaan na po natin ang 2007 at ngayon pa’y ibulong na sa ating mga kamag-anak, kaibigan, kakilala at kahit ‘di kilala na huwag ng muling pabalikin ang Lawin kasama ang kanyang mga buwitre!

“Maraming salamat po sa pagbibigay pansin ninyo sa aming sulat na ito. Naenganyo lamang po kaming mag-react kasi po, medyo “matabang ang lasa” sa naging banat ninyo sa mga magta-tricycle. Sabagay, tinawag nga pala ninyo silang demonyo.

“Lubos na naniniwala sa malayang pamamahayag,

“Mga mag-aaral ng San Pablo Colleges

“Alam po naman namin na mauunawaan ninyo kami kung di na namin sabihin ang mga pangalan namin.

“(Kayo pala naman ang walang lasa’y… jokes ‘lang. –Ed.)

“Solusyon sa 13-taong suliranin sa industriya ng tatlong gulong

“Nagsisilbi nga bang isang mass transport ang tricycle sa lunsod na ito? Na ang ibig sabihin ay abot kaya ng publiko ang halaga ng pamasahe sa pagsakay doon.

“Sa pagpasok nga ng ika-13 taong paghawak ng lokal na pamahalaan sa industriyang ito’y marapat ngayon itong suriin at magkaroon ng pagtitimbang hinggil sa iba’t ibang suliraning patuloy na lumalala sa pagitan ng mga magta-tricycle at ng riding public.

“Sa hinahaba-haba ng artikulo’y iisa ang tugon ng DERETSO: Nakaka-alta-presyon ang pagsakay sa tricycle dahilan na rin sa taliwas sa batas ang sinisingil na pamasahe ng karamihang magta-tricycle. Kung gayon, kung ‘di man ganap na buwagin na nga ang industriyang ito’y mas tumpak na bawasan na lamang ang unit na pumapasada sa buong kalunsuran at maging limitado na rin lamang ang kanilang rota. Ganap ng lipulin at puksain ang mga demonyong magta-tricycle at itira na lamang ang mabubuti at mala-Anghel na magta-tricycle. Kung may babawasin, dapat may ipapalit.

“Mas dapat nang payagang pumasada ang multicab o maliliit na sasakyan sa buong kalunsuran. Magkaroon ng iba’t ibang rota ang mga iyon na tuwirang magsisilbi sa publiko. Mantakin ninyong sa halagang limang piso ay maaari ng makarating sa Laguna College o San Pablo Colleges o kahit sa Canossa College ang mga mag-aaral doon na nagmula naman sa may dulo ng Malamig o sa may San Buenaventura o sa may Sto. Niño o sa may Angeles Heights o Kuligligan o Triangulo o Mary Help Subdivision o sa Greenvalley subdivision.

“Kung sa tricycle sasakay ang mga iyon, ang nakakatiyak, baka nga hindi ‘lang pasaheng Calauan ang ibabayad ng pasahero, ‘pag minamalas-malas pasaheng Calamba ang babayaran nila.”

Pinatotohan ng mga nakalaban ni Biteng Amante noong Halalan 2004 ang hinggil sa droga nang ibalita namin sa February 26 – March 4 edition ang…



1 Comments:

At 1:57 PM, Anonymous Anonymous said...

Lahat ng sinulat dito ay totoo at hindi lamang sa mga estudyante nangyayari yan pati sa ibang mga pasahero hanggang ngayon ganyan pa din ang gawain ng mga tricycle driver na yan sobrang swapang sana'y pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan... HOY GISING

 

Post a Comment

<< Home