| Home | Local News | Opinion and Editorial | Features |RSS

Monday, December 19, 2005

Si MBA, si VBA

Pananaw ni Dodie C. Banzuela (San Pablo City, December 18, 2005) – Kay aga nating pinalitan ang sa akala nati’y “masamang tao” upang ang ipalit naman ay mas “demonyo.” Ito ang dighay ngayon ng karamihang taga-San Pablo.

Partkular na tinutukoy ay sina dating Mayor Boy Aquino (MBA) at mayor Vicente B. Amante (VBA).

Tatlong taon lamang nanungkulan si MBA bilang mayor ng lungsod na ito. Natapos naman ni VBA ang unang siyam na taon nito bilang mayor, at ngayon nga’y nasa unang termino siya sa kanyang pagbabalik.

Tingan nga natin kung may batayan ang dighay ng mga taga-San Pablo sa pagkukumpara sa dalawa sa ilang aspeto ng pamamahala.










































MBAVBA
SA BAHAGI NG GINAWA GINAGAWA

Palengke

Nagkaroon ng kaayusan:nadaanan ng mga motorista ang service road ng Mall;nabawasan ang ambulant vendors sa loob at labas ng Mall; maluwag na nadaanan ng motorista at mamimili ang kahabaan ng P. Paterno St. ; nabawasan ang snatching at nakawan

Muling nawala ang kaayusan: Ginamit na tindahan ang road; nagsikip sa ambulant vendor ang loob at labas ng palengke; maya't maya'y may insidente ng snatching at nakawan; muling nagsikip ang kahabaan ng P. Peterno dahil sa manininda at terminal ng mga sasakyan

Trapiko

Patuloy na nag-eksperemento para mapaluwag ang trapiko; binawasan ang terminal ng mga sasakyan sa loob ng kalunsuran; binawasan ang bilang ng mga nagta-tricycle na nakahimpil sa bawat kantuhan ng kalunsuran; maagap na tumugon sa reklamo ng publiko hinggil sa pang-aabuso ng mga nasa hanay ng public transport

Muling bumalik ang pagsisikip ng trapiko sa kalunsuran: lahat ng ng kantuhan sa kalunsuran ay ginawang terminal ng public transport;nanumbalik ang
pangaabuso ng mga magta-tricycle hindi lamang sa riding public ngunit pati na rin sa
paggamit ng mga ito sa bawat kantuhan ng kalunsuran bilang terminal

Illigal na sugal at droga

Nakipag-digma sa lahat ng uri ng iligal na sugal at droga

Nanumbalik ang lahat ng iligal na sugal at droga, katunayan,
napaulat sa Philippine Daily Inquirer kamakailan na batay na rin sa ulat ng hepe ng pulisya ditto ay halos kalahati ng kabuuang bilang ng barangay sa lungsod ay talamak ang droga. Mayorya din ng mga nakasampang kaso sa piskalya ay hinggil sa droga at mayorya din ng mga nakaditine ngayon sa BJMP ay may kinalalaman sa droga

Pondo ng bayan

Masinop na hinawakan ang pondo ng bayan. Katunayan nagsubi pa ng mahigit sa 50 milyong piso makaraan ang kanyang 3-taong panunungkulan

Inaaring parang kanya ang pondo ng bayan (halimbawa nga rito'y ang paglustay sa 25.6 milyong piso, 400 libong pisong ginalpong mula sa calamity fund noong December 2004 at ang napipintong pagbabayad (o nabayaran na) ng may 20.3 milyong pisong dumpsite)

Pamamahala Sa DLSP


Sinikap itaas ang propesyonalismo sa pamamahala sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga kwalipikadong tao sa board ng DLSP

Inaring parang kanya -- Ipinambayad sa political indebtedness: Mga walang sapat na kakayahan sa pamamahala ng kolehiyo ang nasa hanay ngayon ng board at maging ang college administrator at ilang nasa school management staff. Katunayan, itinalaga bilang college administrator ang isang Belinda Dumaraos, retired DepEd district supervisor na wala namang karanasang humawak ng kolehiyo. Itinalaga din bilang board secretary ang isang Ernesto Capulong na ang tanging kwalipikasyon lamang ay dating barangay chairman ng Brgy. San Gabriel . Binigyan din ng Teacher 1 item ang isang Janquil Bumagat na ang tanging kwalipikasyon naman ay nagging alalay ni Amante. Ibinigay din kay Baby Adajar, maybahay ni Konsehal Edgardo Adajar ang item na Associate Professor gayong dati lamang itong casual sa DLSP at nagtuturo ng typing.

Pangkalahatang Pamamahala sa Kalunsuran

Patuloy na nakipagugnayan sa iba't ibang sektor ng lungsod

Anarkiya; palakasan; basta't kikita ang sariling bulsa ayos lang kahit magulo at bawal sa batas




Sa kabuuan, tila nga yata nagkakatotoo ang pinalutang na isyu ng mga nakalaban sa pulitika ni Amante noong halalan 2004: manunumbalik ang droga at pangungurakot.

Iba na nga ngayon si Amante. Kung noong unang manungkulan ito’y pulidong ginampanan ang pagiging lingcod bayan, iba na ngayon: inaari na niyang kanya ang lungsod ng San Pablo – kung ano ang maibigan, kahit na nga labag sa batas, ay iyon ang masusunod, lalo na sa pamamahala sa kaban ng bayan.



Monday, December 05, 2005

Local Media ng San Pablo City, Noon at Ngayon

Naimbita tayo noong November 20, araw ng Linggo, sa taping ng bagong bubuksang local TV news program ng Celestron cable television sa channel 10, ang Celestron Cable News (CCN).

Kasama ko bilang guests sina Mam Jo de las Llagas, Mass Communication faculty member ng San Pablo Colleges at Rico Albaño ng Lovely FM Radio ng NBC.

Si Keno Moreno ang host at tungkol sa media, particular local media ang maiden topic nila.

Kasama ni Keno sina Jian Arago, talk producer; Dona Reyes, writer; Imy Biglete & Aphol Ensong, reporters; Webster Manalo, cameraman; & si Anric Malijan, director. Naging bahagi ng DERETSO si Anric Malijan noong February 1999 bilang cartoonist.

Sa December 8 @ 5PM ang initial telecast ng CCN at tuwing Martes, Huwebes at Linggo ang regular air day nito tuwing alas-singko din ng hapon.

As usual, andon ang tanong ng relevance ng community media, risk sa profession, etc., etc., etc.

Sabi ni Keno, supposedly 30 minutes lamang ang sequence na ‘yon, na a sort of tsikahan. Biniro ko siya na ewan ko kung papaano mapapagkasya ang oras na ‘yon considering na sabay pa kami ni Rico na naimbita. Sabi ko pa, sa akin na lamang kapag ginanahan ako sa pagsasalita at hindi ninyo ako pinigilan ‘eh kulang ang kahit isang oras.

At nangyari nga na tumagal ng mahigit isang oras ang taping. Well, ie-edit pa naman nila ‘yun.

Dahilan na rin sa kakulangan ng oras, marami pa sanang dapat napag-usapan sa harap ng camera upang kahit papaano’y makatulong sa pagpapaunawa kina Pablo’y ang hinggil sa kalagayan ngayon ng local media sa Lungsod ng San Pablo.

Nakakahon pa ang mga tanong ni Keno batay sa natutunan niya sa MassCom ng SPC. At lalo pang naging kahon sa ilang parte ang diskusyon dahilan na rin sa mga paliwanag ni Mam Jo.

Sabi nga ni Mam Jo, andito mismo sa San Pablo ang oportunidad ng mga future journalist na makapagtatapos ng MasCom sa SPC. Magandang pakinggan mula sa isang guro ng mascom mula sa lokal na kolehiyo. Subalit kung ang pagbabatayan ay ang promotional campaign materials na nag-aanunsyo sa kursong mascom, ‘eh tila iba ang ipinahihiwatig nito.

With due indulgence sa bumubuo ng faculty ng MasCom SPC, kung babasahin ang mga nakalagay sa promotional materials ng kursong iyon ay tila pang-come on ang mga katagang “ABS-CBN & GMA7”. Na tila baga ipinahihiwatig sa mga magaaral nga ng MasCom sa SPC’y “sure ball” na makakapagtrabaho sa mga higanteng media institutions sa Kamaynilaan pagka-graduate nila. Iwan na lamang muna natin iyan at mamaya na balikan.

Kulang pa sa research ang grupo nina Keno hinggil sa local media ng San Pablo. Ano ang naunang umusbong sa San Pablo, print o broadcast media? Ano ito noon at ano naman ito ngayon? Sa madaling salita’y dapat sana’y naisama ang kasaysayan ng local media sa San Pablo sa talakayan upang magagap natin kung ano na nga ba tayo ngayon.

Nasabi ko ito sapagkat pangalawang ulit na akong naging guest sa Celestron din na may ganoong topic, ilang taon na rin ang nakaraan, na sa impresyon ko sa mga host (dalawa kasi sila noon) ay tila ngayon lamang nila nalaman na may local media pala sa San Pablo (bukod sa kanila).

Mahalagang mapagusapan ang kasaysayan ng local media sa San Pablo considering na mayroon na ngang kurso ng MasCom sa SPC. Baka nga sa pamamagitan ng kursong iyan ay makatulong sa pagpapaangat pa ng local media industry sa San Pablo.

First encounter sa local print media

Sa akin kasing pagkakatanda, Barangay ang kauna-unahang print media sa San Pablo na si namayapang Ka Banong Abril ang publisher. Nasa elementary pa lamang ako noo’y nakita ko siyang malimit may dala-dalang Barangay sa halos araw-araw niyang pagsimba sa Simbahang Katoliko. Sa A. Flores Street pa noon ang bahay namin, at natatandaan ko pa rin na malimit “ipinakot” ni Inay sa aming tatlong magkakapatid ang mga salitang “ipaba-Barangay ko kayo kay Banong” kapag hindi kami masaway sa aming kalikutan. ‘Yun ang una kong “encounter” sa local print media.

First encounter sa local radio broadcast

Third year high school ako noon nang magkaron ng Radio DZSP ng NBC sa San Pablo. Nangungupahan iyon sa building nina dating city planning & development officer Celing Bueser sa may tapat ng Central School.

Lumipat kami noon sa may P. Alcantara Street kaya’t malimit akong pumasyal sa DZSP at doon ko nakilala si Pareng Paul Manalo, isa sa pioneer na radio announcer ng DZSP, na ngayon nga’y siya namang Publisher ng DERETSO. Kasabay niya doon sina Susan de Oño, Kuya Ding Dichoso at Kuya Jun Navarro.

Nabigyan ako ng pagkakataon ni Pareng Paul (habang abala siya sa pangliligaw sa telepono) na maging “taga-pagpatugtog ng plaka” sa kanyang regular night program na You, the Night and the Music. Sa simula’y tagapagpatugtog lamang, subalit kinalaunan ay pinayagan niya akong magbigay ng oras at station ID – “The time now is exactly eight thirty in the evening and your listening to DZSP, the Nation Broadcasting Corporation.” At ito ang first encounter ko sa local radio broadcast.

Bukod sa pagpapatugtog ng mga music ay may mga public affairs program na rin ang DZSP.

Nasa Fourth year high school na ako noon nang mapasabak sa isang “away bata” ang barkada namin. Medyo nadehado kami.

Nasa proseso na sana ng pagsasampa ng habla ang barkada namin laban sa “umapi” sa amin nang madampot ng isang “matinik” na announcer ng DZSP ang nangyari sa amin. Agad nagkaroon ng distinction sa dalawang grupong “nagkurutan” – grupo kami ng yagit na barkadahan versus sa barkadahan ng anak mayayaman.

Halos isang linggong tinalakay sa programa (nalimutan ko na lamang ang pangalan ng particular announcer) ang kaso ng barkda naming nasaktan (putok ang noo nang tamaan ng buckles ng belt at kinailangan pang tahiin iyon). Pati si kaibigang Susan de Oño’y “nakibanat” na rin sa kanyang programa pabor sa aming barkada.

At dahilan sa “umiinit” na sa local broadcast ang nasabing usapin, matiyagang gumawa ng paraan ang kabilang panig na magkaayos na kami. At nangyari naman ang pag-aayos. Ito ang ikalawang encounter ko sa radio broadcast.

First encounter sa local television program

Telmarc CATV ang kauna-unahang cable television dito sa San Pablo na nakatayo sa may Alaminos, Laguna.

Nang pamahalaan iyon ni Ma Senyong Millares, nagbuo kami nina pareng Paul, Rolly & Sylvia Inciong at Milo Calingasan ng Beyond Manila Multi-Media Productions na siyang nagbuo ng mga local television program para nga sa Telmarc. Ito ang first encounter ko sa local television.

Am proud to say na ang Beyond Manila Televison (BMTV) ang siyang kauna-unahang nagbukas ng pintuan sa mga taga-San Pablo ng local television programming.

Pangunahing TV program ng Beyond Manila ang araw-araw (mula Lunes hanggang Linggo) na 30 minutong Balita tungkol sa San Pablo and beyond na umere tuwing alas-sais ng gabi. Ika nga’y hindi kami natakot na “banggain” ang pagbabalita ng mga giant national TV networks.

Nagkaroon din ng minsan isang linggong public affairs program, ang Samu’t Sari, na tumalakay sa people, places and events.

Bukod sa amin nina pareng Paul, nahubog bilang mga television “talent” at “production assistants” sina Peachy Estiva (Mrs. Tulod na ngayon), Donna Briñas (Mrs. Esseo na ngayon), Joanne Faulve (nasa Amerika na ngayon), Ramir Buiser (konektado ngayon sa city information office), Neil Macasaet (nasa DZMM ngayon), at iba pa. Kasama din namin sina pareng Eric Aquino at Marlon bilang mga cameraman at pareng Val Porras (may-ari ng Exposure) bilang video editor.

Hindi na mabubura sa kasaysayan ng local TV news program sa Telmarc ang araw-araw na panawagan noon ni Russel Contemplacion nang kasalukuyang nakakulong pa ang kanyang ina na si Flor sa Singapore.

“Humihingi po ako ng tulong sa aking mga kababayan sa Lungsod ng San Pablo upang makapunta po ako sa bansang Singapore para naman makita ko ang aking inang si Flor Contemplacion bago man lamang po siya tuluyang bitayin doon,” madamdaming panawagan ni Russel na tumagal din ng ilang buwan.

Kasama ko sa pag-tape ng panawagang iyon ni Russel si mareng Sylvia na siyang nag-motivate kay Russel upang manawagan nga sa mga taga-San Pablo. Si pareng Eric Aquino naman ang siyang cameraman.

Sad to say, walang tumugon kahit isa sa panawagang iyon ni Russel na ineere nga namin ng araw-araw sa Telmarc sa loob din ng ilang buwan.

Pero dumagsa naman ang tulong sa pamilyang Contemplacion nang damputin na ng national broadcast ang nasabing usapin ni Flor.

Unang nasaksihan sa Balita ang resulta ng pagsabog ng isang granada sa isang bahay sa may Teomora Subdivision, Brgy. San Gabriel. Kinober din ng Balita ang ginagawa noong tulay sa pagitan ng barangay Sto. Niño at Sta. Elena. Naging training ground ng mga taga-BMTV ang coverage ng karera ng bisikleta ng Lungsod ng Pitong Lawa.

Binigyan namin ng malaking panahon ang pagtalakay hinggil sa isang yagit na menor-de-edad na naninirahan sa may tabing riles na diumano’y nagahasa ng kanilang kapitbahay.

Inalis namin ang araw ng Linggo sa pag-eere ng Balita at ipinalit ang pag-cover ng Mahal na Misa. Ngayon, live ng nag-eere ng Mahal na Misa ang Channel 2 sa umaga tuwing araw ng Linggo at nagbabalita na rin ang Channels 2 & 7 sa araw na iyon.

Ilan lamang ang nabanggit sa maraming sakripisyong ibinuhos ng mga taga-Beyond Manila upang tuluyang makapagbukas ng pinto sa mga local talent sa bahagi ng local television broadcasting.

Mahalagang banggitin na sa grupo noon ng Beyond Manila, tanging sina pareng Paul, magasawang Rolly & Sylvia, Peachy, Donna at Neil lamang ang nagtataglay ng kurso hinggil sa communication.

Sa ilang buwan din naming pag-ere, wala mang official na report ay tumaas ang bilang ng mga CATV subscribers. Ganoon man, hindi naman kami natulungan ng lokal advertisers kaya’t matapos ang ilang buwang pag-ere, “pansamantala kaming namaalam” dahil hindi na namin kaya ang lumalaking productions costs.

Mahalaga ding banggitin na wala kaming ibinigay na “talent fee” sa mga nakasama namin sa productions. Mas malimit pa nga sa minsa’y “bunot bulsa” lahat kami.

Si namayapang pareng Ranel Tibillo (kabiyak ni mareng Les Alvero-Tibillo ng LKA Productions) ang nagbigay sa akin ng pagkakataong lumabas sa local television program (sa Telmarc) nang kainitan noon sa usapin ng impeachment ni pangulong Erap Estrada.

Live na ginawa ni pareng Ranel ang lokal na talakayan hinggil nga sa epekto ng impeachment sa lokal na kalagayan. Akala ko’y pang isang gabi lamang ang pag-guest ko sa kanya, subalit naulit pa iyon ng pangalawa, pangatlo hanggang sa naging araw-araw na akong nakasama ni pareng Ranel. At iyon ang pangalawang encounter ko sa local television.

Suporta ng publiko

Sa nasabing taping noong November 20 sa Celestron, nabanggit ko ang hinggil sa pang-ekonomiyang aspeto ng lokal media.

Noon pa man hanggang sa kasalukuyan ay talagang malamig na ang suporta ng mga local advertiser sa local media.

Sa print media, judicial notices ang bread and butter nito. Kahit nga walang suporta sa mga local advertiser, basta’t patuloy na maraming judicial notices ang nira-raffle sa mga Regional Trial Court sa lalawigan ay para na ring tumama sa lotto ang iilan namang local publisher. Bonus pa sa mga iyon ang pag-order ng maraming kopya ng mga politiko at paminsan-minsan paglalagay sa anniversary issue.

Patuloy na tumataas ang printing cost kaya naman napako na sa 4-pages ang regular issue ng mga lokal na pahayagan. Madadagdagan lamang ang pahina kung maraming pumasok na judicial notices.

Nabanggit natin na “iilan” naman ang mga local publisher sa San Pablo. Totoo ‘yan. Para kasi makasali sa raffle ng judicial notices ‘eh kailangang mabuo ang 52 issues, katumbas iyon ng 52 weeks sa loob ng isang taon. Kasabay din noon ang pagkuha ng kung anu-anong local & national permit na ipinaguutos ng batas.

Sa San Pablo’y nakabandera sa ilang local weekly newspaper ang “inilalathala ng group of publications.” Ibig sabihin, nagmamay-ari ng mahigit sa isa pang weekly community paper ang isang particular na local publisher.

“Pagpapa-anak” ang turing dito ng DERETSO. Matapos na ma-qualify ang unang local paper ay kasunod naman ang paghahanda ng susunod pa. Na ipapangalan sa asawa, anak, apo, kapatid hanggang sa kaapu-apuhan. Kaya nga’t llamado ang may mahigit sa isang local publication sa pagsali sa linggu-linggong raffle ng judicial notices.

Hindi ko masisisi kung iisipin ninyong “hidhid”, “ganid”, at “suwapang” ang mga ganoong local publisher.

Nabanggit ni Rico Albaño na “naging tagapagdala ‘lang ng balita’y tinawag ng media.” Hindi ko masisisi si Rico nang punahin niyang halos ang laman ng local newspaper ay pulos judicial notices.

May kautusan na ang Supreme Court hinggil sa “iisang nagmamay-ari.” Ayon sa Kautusan ng Mataas na Hukuman, bawal sumali sa raffle ng judicial notices ang mga local newspaper na pag-aari ng iisang pamilya. Maganda ang diwa ng Kautusang iyon – basagin ang monopolya sa negosyo ng local newspaper.

Subalit sa reyalidad, hindi pinapansin ng alinmang RTC sa lalawigan ang Kautusang iyon sapagkat marahil nga’y dadaan pa sa butas ng kung anu-anong legal process para lamang maipasunod ang Kautusang iyon ng Supereme Court.

Hindi marahil mainit na pupunahin ni Rico ang tungkol sa judicial notices kung sa kanyang pananaw ay may kalidad nga ang 4-pages local newspaper.

Malaki ang kita sa judicial notices kaya naman kung talaga lamang may puso sa journalism profession ang iilang local publisher ay kayang-kaya nilang mapataas ang antas ng kalidad ng kanilang weekly newspaper.

Pero, quality is in the eyes of the beholder. Kung kahit na nga maraming judicial notices, subalit lagi namang nagbabalita ng tinatawag ni Mam Jo na “developmental news”, ‘eh baka nga makapasa na iyon sa panlasa ng mga mascom student ng SPC.

Sa tanong na: Nakakatulong ba ang local media sa kanyang lokal na komunidad? Mas objective na masasagot ‘yan ng mismong taga-San Pablo. At dito sana dapat makakatulong ang mga taga-mascom ng SPC – patuloy na alamin kung nakakatulong nga ba at papaano pa makakatulong ang local media sa kanyang lipunan.

Hanggang ngayon, namimintina ang ilang local TV program sa San Pablo dahil suportado iyon ng pulitiko. Patuloy na bumabanat ang isang local radio announcer sa kanyang programa dahil suportado din ito ng isang politiko. At may ilan ding mga local print na umaawas na sa judicial notices ang pahina ng kanilang dyaryo’y nasusuportahan pa rin ng pulitiko para naman banatan ang gustong pabanatan.

Ano nga ba ang bottomline?

Negosyo din ang local news publishing and broadcasting. Kung walang judicial notices, advertisement ang siyang pagkukunan ng gastusin. Pero kung walang magpapa-ads, talagang hindi mamimintina ang kahit minsan isang linggong paglalathala. Ganoon din sa local broadcasting. Kung walang commercial wala ding maipambibili ng kahit isang VHS tape.

May nagsasabing “dapat munang pagbutihin ang kalidad bago suportahan ng advertiser.” Pero sabi ko nga’y quality is in the eyes of the beholder. Again, mismong mga mamamayan ang dapat magsabi kung alin at may kalidad nga ba o wala ang isang local publication.

At dahil nga matagal-tagal na ring panahon na may kursong MasCom sa SPC, baka nga makakatulong sila sa pagpapataas ng kalidad ng local media sa lungsod. At ang una nilang puwedeng gawin ay simulan nilang regular na magbasa ng mga local newspaper, manood ng local TV program at makinig ng local radio program. At ang pangalawa’y maiparating kaagad nila sa concerned local media practitionaire ang kanilang sariling pananaw hinggil sa kanilang nabasa, napanood at narinig.

Ano pa rin ang bottomline? Two-way ang communication. Magkakaintindihan ang bawat panig at makakamtan ang anumang naisin kapag patuloy na magpaparating at makikinig.

In effect, kung ano ang local media sa San Pablo noon ay ganito pa rin ngayon: Nagsusumikap na magparating at handang makinig sa reaksiyon ng ipinarating kina Pablo’y at sa dako pa roon nina Pablo’y.