Bakit ako naging puta?
Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako. Nagpapagamit. Binabayaran. Sabi nila ako daw noon ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar. Ang bangu-bango ko daw, sariwa at makinis. ‘Di ko nga alam kung sumpa ito, kasi dito naletse ang kinabukasan ko.
Alam mo, maraming lumapit sa akin. Nagkagusto at naakit. Ang hirap pala ‘pag lahat sa iyo ‘eh virgin… never been kissed, never been touched… at pati ang mapula-pula kong sakong ‘di basta-basta nakikita ninuman noong alaw.
Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Masakit alalahanin. Iniisip ko na ‘lang na kase ‘di sila tagarito… mga taga ibang ibayo… siguro talagang ganoon. Tatlong malilibog na foreigners ang namyesta sa katawan ko. Na-rape daw ako.
Sa tatlong beses na pagkagahasa sa akin, pinakahuli ang ‘di ko makakalimutan. Parang maski ‘di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan ‘nya kasi akong makalimutan ‘yung mga sadistang Sakang at Coño. Kase, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. Ibang klase siyang mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya ako at ang mga naging anak ko.
Parating ang dami niyang regalo sa akin at sa mga anak ko - may chocolates, yosi, makabagong damit, make-up, alak, kotse, microwave, washing machine, pampaputi, maryjane, upper at downer, ano ka! May datung fah! Nakakabaliw siya! Alam kong ginagamit ‘nya ‘lang ako pero pagamit naman ako nang pagamit.
Sa kanya namin natutunan mag-ingles, ‘di ‘lang magsulat ha! Magbasa pa! Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang takbuhan ko. ‘Yun nga ‘lang, lahat ng bagay may kapalit – ang katawan ko.
Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami. Ewan ko nga ba!? Akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na ang kaligayahan namin, ‘yun pala unti-unti niya akong pinapatay. P*** ng I**! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong malaspag. Daming nagsabi na ang engot-engot ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng ilang mga anak ko, napalayas ko ang animal!
Pero ang hirap magsimula. Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya. Lubog na lubog pa kami sa utang, kulang ata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutangan namin.
Sinikap namin ng mga anak ko na maging maganda ang buhay namin. Ayun, nasa Japan, Hong Kong, Saudi ang ilan sa mga anak ko. ‘Yung iba nag-US,
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na nandarambong sa kabuhayan at kayamanan na isinusube ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat.
Dumating ang panahon na ‘di na kami halos makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.
Ang ‘di ko inaakala ay mismong mga anak ko pa ang tuluyang sisira sa akin. Napakasakit tanggapin na malinlang. Akala ko ay makakakita ako ng magiging kasama sa buhay sa mga ahas na ipinakilala ng mga anak ko. Hindi pala. Ang tanga ko talaga. Binugaw ako ng sarili kong mga anak kapalit ng kwarta at pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.
Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking mga anak. Wala akong ibang yaman kundi ganda ko. Muli ko na namang pinagamit ng pinagamit ang sarili ko, basta maging maginhawa ‘lang ang mga anak ko.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay namin. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Sa mata nila, puta na kase ang isang magandang tulad ko.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng utang ko ‘eh. Palaki pa ng palaki. Kulang na kulang na pambayad sa patuloy na paghilata ko. Paano na ‘lang ang mga anak kong naiwan sa aking punyetang puder? Baka ‘di na ako balikan o bisitahin man ‘lang ng mga nag-abroad kong mga anak. Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama ko ‘lang ang pagmamahal ng mga anak ko. Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa ding bilib sa akin. Napapagusapan pa rin. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. ‘Di ko namamalayan tumutulo na pala luha ko.
Ang gagaling nga ng mga anak ko ‘eh, lalo na ‘yaong mga nasa abroad. Namamayagpag sila kahit saan pumunta. Mahusay sa kahit anong gawain. Masunurin sa batas ng bansang pinuntahan nila. Minsan nga nag-overseas call pa ang boss ng aking si Marikit at sinabing masinop at matiyaga daw ang aking anak sa trabaho. Tama man o mali proud ako sa kanila. Kaso sila, dama ko na kabaligtaran ang nararamdaman nila sa akin. Ramdam ko na ikinahihiya nila ako lalo na kapag napapabando sa mga kapitbahay ang pagbabangayan ng mga anak kong nasa lintek na puder ko.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang tunay na nagmamalasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw. ‘Yung iba ko ngang anak ‘ni hindi na ako kinikilalang ina. Patuloy silang galit-galit sa isa’t isa. Walang gustong magtulungan, naghihilahan pa kamo pababa. Ang dami ko ng pasakit na tiniis pero walang sasakit pa ‘nung sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin. Kinapital ang halos laspag ko ng ganda. Masyado silang nasanay sa sarap ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.
Matatapos na ang unang quarter ng taon ngayong 2006, ‘yung iba kong mga anak na nagpadala ng dolyares ay hayun at pinagkanya-kanyahan na ng ilang mga anak kong sukab na nasa aking puder. Wala man ‘lang makaalala na ipagsube ako para may maipansulong sa malaki kong utang.
Natatakot ako sa tatlo pang quarter ng taon na darating kung papaano ko na naman mapapagkasya ang aking konting ipon. Ngayon pa ‘lang usap-usapan na ang susunod na pagbubugaw sa akin ng ilan sa mga anak ko. Sana may magtanggol naman sa akin, ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: “INA NINYO AKO! MAHALIN ‘NYO NAMAN AKO!”
Sige, dumadrama na ako. Masisira na ang make up ko nito ‘eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako… at salamat sa napkin na nabasa ng luha ko… hamo, papalitan ko na ‘lang ito ng katawan ko.
Ay sorry, ‘di ko nga pala nasabi sa ‘yo ang pangalan ko.
Ako nga pala si Pilipinas.